
Makalipas ang mahigit limang (5), muling idinaos nitong nakaraang Abril 26, 2025 ang taunang pagdiriwang ng ika-89 na anibersaryo ng pagkakatatag ng Norzagaray Smiles Club. Pansamantala itong natigil dahil sa nakaraang pandemya at muling binigyang buhay ng pamunuan sa pangunguna ng kanilang Pangulo na si Ms. Lorraine Joy C. Buluran, CPA at mga aktibong miyembro ng nasabing samahan.
Layon nitong bigyang pagkilala ang mga kabataang nagsipagtapos ng pag-aaral sa iba’t ibang larangan, bigyang pagpupugay at pagpapahalaga ang mga magulang na napagtapos ng pag-aaral ang lahat ng kanilang mga anak at bigyan ng espesyal na pagkilala ang mga anak ng Norzagaray na naging matagumpay sa kanilang napiling larangan.
Isa sa mga nabigyang pagkilala at parangal ang kasalukuyang Inspector General ng Philippine Army Reserve Command na si M/Gen. Ramon P. Zagala (PA) na nagsilbi ring pinuno ng Presidential Security Group (PSG) ng ating Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr.
Naging espesyal na panauhin ng nasabing pagtitipon ang kasalukuyang Kinatawan ng Ika-6 na Distrito ng Bulacan na si Congressman Salvador “Ka Ador” Pleyto na nagbigay ng mahalagang mensahe lalo’t higit para sa mga kabataang estudyante. Binigyang diin ng nasabing mambabatas ang kahalagahan ng edukasyon na siyang susi upang mabago at maiangat ang buhay ng bawat pamilyang Pilipino.
Ayon pa kay Ka Ador, ang edukasyon ang pinakasentro at pinakapuso ng lahat ng mga programa, serbisyo at proyektong kanyang ibinababa para sa kanyang Distrito. Pinag-aaralan na diumano ng kanyang tanggapan ang paglulunsad ng “Isang Bata, Isang Pamilya” Program kung saan ay titiyakin, kung kakayanin na mapagtapos ng pag-aaral ang kahit isa man lamang sa mga anak ng mga nabibilang sa pinakamahihirap na pamilya sa kaniyang nasasakupan.
Dumalo din ang mga naiwang pamilya ng yumaong Founding President, Dr. Silvestre Pascual, ama nila Gng. Cynthia P. Zagala (+) na dating National Chairperson ng Girl Scout of the Philippines, Sylvia P. Montes (+) na nagsilbing Minister ng Ministry of Social Services and Development (MSSD) noong pahanon ni dating Pangulong Ferdinand E. Marcos at Gng. Josefina “Nene” Tinsay (+) na naging Chairman ng Norzagaray Smiles Club Scholarship Foundation na pumanaw nito lamang nakaraang buwan ng Marso 2025.
Naging katuwang naman ng pamunuan sa pagbibigay pagkilala at parangal sina Norzagaray Municipal Mayor Ma. Elena ‘Merlyn” Germar at Vice Mayor Baldo Gener na personal na nag-abot ng mga plake at medalya sa mga natatanging anak ng Norzagaray, Bulacan. Nagbigay kulay at ningning naman sa nasabing okasyon ang presentasyon ng magandang lakambini ng samahan na si Atty. Pauline Ann S. Ramos at ng kanyang makisig na konsorte na si G. Jocel Ramos Rendon.





Leave a comment