MANILA — Nagsagawa ang Department of Transportation (DOTr) ng random drug testing sa mga bus driver, konduktor, at iba pang transport personnel sa mga Public Utility Bus (PUB) terminals sa Cubao, Quezon City ngayong Huwebes upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga pasaherong uuwi sa kanilang probinsya ngayong Kapaskuhan.

Kasunod ito ng utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tiyaking maayos, ligtas, at komportableng makakauwi ang mga pasahero ngayong holiday season.

Katuwang ng DOTr sa pagsasagawa ng random drug testing ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), Land Transportation Office (LTO), Metro Manila Development Authority (MMDA), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), PNP-Highway Patrol Group (HPG), at lokal na pamahalaan ng Quezon City.

Tiniyak ni Transportation Secretary Giovanni Lopez ang kahandaan ng buong DOTr at mga attached agencies nito para masigurong ligtas, komportable, at maginhawa ang biyahe ng mga pasahero.

“Ang utos po sa atin ng Pangulong Marcos Jr. ay magtulungan ang mga ahensya sa pagtiyak ng kaligtasan ng mga pasahero dahil maraming mga kababayan natin ang uuwi ng probinsya. Makakaasa po kayo na handang-handa na po ang buong DOTr para sa inaasahang holiday exodus,” ayon kay Secretary Lopez.

Kasama sa inspeksyon ang mga opisyal ng DOTr kabilang sina Usec. Ramon Reyes, Usec. Mark Steven Pastor, Director IV Joshua Rodriguez, LTFRB Executive Director Loumer Bernabe, LTO Chief Asec. Markus Lacanilao, at MMDA Chairman Romando Artes. Ilan sa kanila ang umakyat sa loob ng bus upang kamustahin ang mga pasahero.

Idineploy din ang mga K9 dogs ng LTO sa mga bus terminals upang i-check at matiyak na walang iligal na kargamento at may kakayahan ring madetect kung ang mga driver ay gumamit o may dala ng iligal na droga.

“Nagkaroon po ng direktiba si Secretary Giovanni Lopez na i-check lahat, i-random drug test lahat ng mga driver sa mga bus station dito sa Manila, so ginawa po namin kanina, sinimulan ko po, unang unang araw ngayon po na inikot ko po yung (mga K-9). Although konti lang po yung aso namin, pero kahit papano po ay paunti-unti meron po kaming nagiging aktibidad na makatulong,” pahayag ni LTO Chief Lacanilao.

Kabilang sa mga nainspeksyon ang mga bus sa Pangasinan Five Star Terminal, Luzon Cisco Transport Inc. Terminal, Baliwag Transit Inc. Terminal, at Genesis Transport Services Terminal upang maiwasan ang aksidente at masiguro ang road worthiness ng mga bus.

Leave a comment

Trending