
MANILA — Itinanggi ni Vice President Sara Z. Duterte na pag-aari niya ang lupang sinasabing nakatala sa kanyang Statement of Assets, Liabilities, and Net Worth (SALN), habang kinuwestiyon ang operasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) kaugnay ng naturang usapin.
Sa pahayag na inilabas nitong Martes, Oktubre 13, sinabi ni Duterte na nakababahala umano ang paggamit sa mga operasyon ng NBI, na pinopondohan ng taumbayan, para sa mga gawaing aniya’y walang malinaw na pakinabang sa publiko.
“Ang lote sa larawan na sinabi niyang nasa aking Statement of Assets, Liability, and Net Worth o SALN ay hindi sa akin,” ayon kay Duterte.
Iniugnay rin ng bise presidente ang naturang usapin sa pagkakatanggal umano ng NBI sa listahan ng mga testigong ihaharap ng prosekusyon sa impeachment proceedings.
Ayon sa kanya, may mga alegasyong muli na namang naghain ang ahensiya ng mga kuwestiyonableng ebidensiya, gaya umano ng naunang Gracioso affidavit.
Binigyang-diin ni Duterte na dapat tiyaking naaayon sa batas, nakabatay sa katotohanan, at nagsisilbi sa interes ng publiko ang bawat hakbang ng mga ahensiyang pinopondohan ng pera ng taumbayan.
Wala pang inilalahad na tugon ang NBI sa mga pahayag ni Duterte sa ibinigay na pahayag.




Leave a Reply