
MANILA— Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa ilang bahagi ng bansa ngayong Martes, Nobyembre 24, dahil sa shear line at Intertropical Convergence Zone (ITCZ), ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ayon sa 24-hour public weather forecast ng PAGASA na inilabas alas-4 ng madaling araw, makaaapekto ang shear line sa silangang bahagi ng Northern Luzon, habang nakaaapekto naman ang northeast monsoon sa Extreme Northern Luzon. Samantala, mararanasan ang epekto ng ITCZ sa kanlurang bahagi ng Mindanao.
Inaasahan ang maulap na kalangitan na may kalat-kalat na pag-ulan at isolated thunderstorms sa mainland Cagayan at Isabela dahil sa shear line. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa bunsod ng katamtaman hanggang paminsan-minsang malakas na pag-ulan.
Magdadala naman ang ITCZ ng maulap na kalangitan, kalat-kalat na pag-ulan at thunderstorms sa Zamboanga Peninsula, Palawan, Basilan at Tawi-Tawi. Posible rin ang pagbaha at landslide sa mga lugar na ito.
Sa Batanes, Babuyan Islands, Ilocos Norte at Apayao, inaasahan ang bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan na may pulu-pulong mahinang pag-ulan dahil sa northeast monsoon. Wala namang inaasahang malaking epekto ang mga pag-ulan.
Samantala, makararanas ang Metro Manila at nalalabing bahagi ng bansa ng bahagyang maulap hanggang maulap na kalangitan, na may isolated rainshowers o thunderstorms dahil sa easterlies. Posible ang pagbaha at pagguho ng lupa kapag may malalakas na thunderstorm.
Kondisyon ng hangin at karagatan
Katamtaman hanggang malakas na hangin mula sa hilagang-silangan ang iiral sa Northern Luzon, na magdudulot ng katamtaman hanggang maalon na karagatan na may taas ng alon na 1.5 hanggang 4.0 metro.
Sa silangang bahagi ng Central Luzon, Southern Luzon at Visayas, inaasahan din ang katamtaman hanggang malakas na hanging mula sa silangan hanggang hilagang-silangan. Aabot naman sa 1.5 hanggang 2.5 metro ang taas ng mga alon.
Sa nalalabing bahagi ng bansa, mahina hanggang katamtamang hangin mula sa silangan hanggang hilagang-silangan ang iiral, habang bahagya hanggang katamtaman ang pag-alon ng dagat na may taas na 0.6 hanggang 2.1 metro.
Batay sa naitalang temperatura sa nakalipas na 24 oras hanggang alas-8 ng gabi kahapon, umabot sa 34.1 degrees Celsius ang pinakamataas na temperatura at 22.8 degrees Celsius ang pinakamababa.
Sa Metro Manila, nakatakdang sumikat ang araw alas-6:01 ng umaga at lulubog alas-5:24 ng hapon. Inaasahan namang sumikat ang buwan alas-4:57 ng hapon, na may 100% illumination.





Leave a Reply