MANILA — Inaasahang magbubukas ng mas maraming oportunidad sa trabaho para sa mga Pilipino ang pagbabalik ng kilalang hotel brand na Mandarin Oriental sa bansa, na tinukoy ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. bilang tanda ng tiwala ng mga mamumuhunan sa ekonomiya ng Pilipinas.

Sa pagbubukas ng Mandarin Oriental Makati na nagkakahalaga ng ₱11.09 bilyon nitong Huwebes, Nobyembre 26, binigyang-diin ni Marcos ang kahalagahan ng pag-akit ng mga pamumuhunan sa sektor ng turismo at hospitality upang makalikha ng trabaho at mapalago ang ekonomiya.

“When an established brand chooses to invest and grow here, it helps create opportunities that extend well beyond the vicinity of its properties,” ani Marcos.

“This is particularly important as we remain committed to strengthening the Philippine tourism and hospitality sector as a key driver of our economic growth,” dagdag niya.

May 275 kuwarto at suite ang bagong hotel, na inaasahang mangangailangan ng 410 empleyado.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang mga direktang empleyado ng hotel ang makikinabang sa pagbubukas nito kundi maging ang mga supplier, micro, small and medium enterprises (MSMEs) at maliliit na negosyong nakapaligid sa establisimyento.

“Ang bawat bagong hotel na nagbubukas sa ating bansa ay nagbibigay ng bagong trabaho para sa ating mga kababayan— mula sa mga namamahala sa hotel at mga nagta-trabaho sa front desk hanggang sa mga nasa kusina, housekeeping, at maintenance,” ani Marcos.

“Dagdag-kita rin ito para sa mga suppliers, MSMEs, at iba pang mga maliliit na negosyo sa paligid nito,” dagdag niya.

“Habang lumalago ang ating turismo, mas maraming Pilipino rin ang nagkakaroon ng pagkakataong makahanap ng magandang trabaho dito mismo sa ating bansa,” aniya.

Batay sa datos na binanggit sa pahayag ng Presidential Communications Office (PCO), inaasahang aabot sa 456,055 ang pangangailangan sa mga kuwarto ng hotel sa bansa pagsapit ng 2028, kumpara sa 335,592 kuwartong naitala noong 2023. Katumbas ito ng posibleng kakulangan na 120,463 kuwarto.

Upang higit pang mapaunlad ang sektor, sinabi ni Marcos na patuloy na pinagbubuti ng pamahalaan ang connectivity at imprastraktura, pinatatatag ang kapaligiran para sa mga mamumuhunan at nakikipagtulungan sa mga industriya upang mapataas ang kalidad ng mga serbisyong panturismo.

Kabilang din sa mga hakbang ng gobyerno ang pag-update sa National Accommodation Standards upang mapahusay ang serbisyo sa mga establisimyento ng turismo at matugunan ang nagbabagong pangangailangan ng industriya.

Inilunsad naman ng Department of Tourism (DOT) noong Hunyo 2026 ang kampanyang Discover More to Love upang itaguyod ang turismo sa loob ng bansa sa buong taon at suportahan ang mga kabuhayang nakadepende sa turismo at mga MSME.

Sa ilalim ng Filipinization Labelling Program, hinihikayat ang mga accommodation establishment na itampok ang kulturang Pilipino habang nagbibigay ng de-kalidad na serbisyo.

Pinuri rin ng Pangulo ang Mandarin Oriental Makati sa paggamit nito ng mga produktong likha ng mga Pilipino, kabilang ang mga sapatos mula sa mga shoemaker sa Marikina, unipormeng dinisenyo ni Rajo Laurel at tradisyonal na binakol robes na ginawa ng mga artisan sa Abra.

Binanggit din ni Marcos ang matagumpay na pagho-host ng Pilipinas sa 49th ASEAN Summit bilang patunay ng kakayahan ng bansa na tumanggap ng mga dayuhang bisita sa pamamagitan ng mahusay na serbisyong Pilipino.

Malugod din niyang tinanggap ang pagkakasama ng rehabilitasyon at modernisadong Ninoy Aquino International Airport (NAIA) sa listahan ng TIME Magazine’s World’s Best Major Airports of 2027.

Pinangunahan nina Marcos at First Lady Liza Araneta-Marcos ang ribbon-cutting ceremony, kasama sina Makati City Mayor Nancy Binay, Ayala Corporation Chairman Jaime Augusto Zobel de Ayala at mga opisyal ng Mandarin Oriental.

Leave a Reply

Trending